How To Battle Disinformation

Contributor

How To Battle Disinformation

Sa digital age na itinuturing ang internet na alternative universe, ano ang proteksyon mo sa mga fake news at disinformation? Heto ang iilan na subok na namin, para equipped at handa ka bago mag-scroll. 

Mainam ang pagdududa

  • Kapag nabasa mo ang isang post at sumagi sa isip mong parang may mali, marahil tama ka o pwede ring hindi. Pero hindi ba mas may lamang ka kung paniwalaan mo ang duda at i-verify ang nabasa? Ang tawag diyan, fact-checking, pag-iimbestiga sa impormasyong nabasa upang malaman kung gaano ito makatotohanan. Mahalaga ito dahil hindi lahat ng nakikita at nababasa natin sa internet ay totoo. Sa puntong nasaliksik mo na ang tama, maaari mong balikan ang nag-share ng nabasa mong post at ibahagi sa kanya ang iyong mga nalaman para sa pagkakataong ito dalawa na kayong nakakaalam ng katotohanan.

Do not engage

  • May algorithm ang mga social media sites. Ang mga likes, comments at pag-share sa mga posts ay tinatawag na interactions. Dito ibinabase ng platform ang mga recommendations na makikita mo sa feed mo. Kung lagi mong binibigyan ng reaction sa social media ang mga posts na puro fake news ay malamang na puro fake information din ang magiging laman ng feed mo. Kaya’t kung makakita ka man ng fake news sa platform na ginagamit mo, wag ka nang mag-comment, mas mainam na i-report mo na lang ito. 

Be open

  • Hindi dahil naaayon sa paniniwala mo ang nababasa ay tama na ito. Maaaring sa pagkakataong ito ikaw naman ang mali, at walang masama doon. Mapait minsan ang katotohanan at kailangang bukas ang isip mo upang matanggap ito. Ang kasinungalingan, kahit gaano kaganda pakinggan, ay mananatiling kasinungalingan. 

Maging mapanuri at mapagmatyag

  • Isang imortal na kasalanan sa larangan ng pagbabalita ang pagsasabi ng kasinungalingan. Dumadaan sa masusing panunuri ang isang scoop bago ito maisapubliko. Nandiyan ang pagpunta sa field ng reporter para kompirmahin ang istorya, pagkalap ng impormasyong sumasagot sa mga tanong na kailan, saan, sino, paano at bakit, pagtatanong sa mga taong involved, pagsusulat ng mga artikulong neutral, saka ito iaakyat sa mga editor. Ang mga editor ang magu-usisa sa paksa at itatama ang scoop kung may mali. Isang mahabang proseso para ihatid sa mga tao ang katotohanan. Ito ang malaking pagkakaiba ng published news sa blog post. Ang mga blog posts ay opinyon ng manunulat na ibinabase lang nila sa, hulaan mo, balita. Kaya’t maging mapanuri sa mga source na binabasa at maging mapagmatyag sa layunin ng artikulo, ito ba ay para maghatid ng katotohanan o para hikayatin kang sumang ayon sa mga opinyon. 

Sa nalalapit na eleksyon, isang mahalagang gampanin ng bawat isa ang pag-laban sa disinformation. Makatutulong ang ilang mga paalala na ito para sa sarili at maging sa loob ng ating sphere of influence. Kaya, tara na! Makialam at makibahagi sa laban na ito. Maging responsableng tumitindig para sa katotohanan.

Written by Anj Tandog, a freelance artist; and Christian Bohol, an undergraduate student of Polytechnic University of the Philippines taking up Advertising and Public Relations and he is also a mover from Move.PH, the civic engagement arm of Rappler.

This piece is part of a series of articles by youth leaders of Heroes Hub Youth FellowshipIt seeks to advocate for the youth’s vision and concerns towards a rights-based governance agenda in the May 2022 elections and beyond.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Download the Rappler App!