MULTI-PARTY SYSTEM NG PILIPINAS

Contributor

Mga puna, komento, batikos 

Ang mismong kasaysayan, mga batas, regularidad at pagiging teknikal,ang naging basehan ng mga puna,komento at batikos ng mga eksperto tungkol sa multi-party system.Unang-una ang maikling palugit na binigay ng batas para pagbuo ng mga programa at plataporma sa kwalipikasyon ay nagpapalusot sa mga partido kahit hindi pa malinaw o minsan walang orihinal sa mga inililista nito.Pangalawa, hindi naging epektibo ang affiliation effect, dahil kita pa rin natin ang mga kandidatong palipat-lipat ng partido (Turncoatism) at kampi sa kung sinong malakas. Hindi naman kasi ito nagbigay ng parusa bukod sa panakot na pagtanggal sa puwesto (Revised Election Code of 1985 Section 70-71, Art. IX).

Ang mga politikal na disnatisya ay bahagi ng Asyanong konteksto bago pa man dumating ang mga Kastila.Kawalan ng mga orihinal, kapaki-pakinabang at maayos na plataporma, idagdag pa ang hindi pa rin maalis-alis na kanser ng lipunan ang “palakasan system” na patronage noong panahon ng pananakop,cronyism sa diktadura ni Marcos at elitism na may halong nepotism sa kasalukuyan. Ito ang mga salik na naka-ugat na sa kasaysayan, kultura at pagkatao ng mga Pilipino. Sa tagal nang pamamayagpag, kinalakihan, ginawang normal,inilag sa batas at hanggang sa maging katotohanan o bukas na sirekto ng baluktot na pag-unlad.

Kapansin-pansin din na ang mga nangungunang partido ay hawak ng mga elitista at mayaman. Nationalista Party ni Manuel Villar, National Unity Party ni Enrique Razon at Nationalist People’s Coalition ni Eduardo Cojuangco Jr.

Laging nauuwi sa kampanyang nakabase sa pangalan o personalidad. Ito ay maaaring naka-ugat sa kultura tulad ng naunang paliwanag. Ang teorya ng tulad ng Social Exchange Theory at Sikolohiyang Pilipino ay mga akademikong modelo na maaaring magbigay-liwanag.

Ang hiwalay na paghalal sa Pangulo at Pangalawang pangulo,ganoon din sa mga alkalde at gobernador ay lalong nagbibigay-diin na tignan o kilatisin sila bilang isang indibidwal, imbes na isang kandidatong may dalang mga programa,plataporma at ideolohiya mula sa partidong kanilang kinaaniban.

Sumunod, ang mismong batas at sistema ng party list system na naglagay ng limitasyon sa tatlong puwesto kahit pa lumagpas sa dalawang porsyento ay tila naghihikayat sa mga partido na maghati-hati, magkaroon ng iba’t-ibang pangalan upang makuha ang iba pang pwesto o kaya naman ay ang mga tinatawag na splinter parties, mga malilit  at mahihinang partido na nakapasok dahil sa itinakdang seat limit.

Isang matalino at simpleng puna ay ang pagbabalik-sisi sa Kongreso na puno ng mga kandidatong tinitignan ang mga partido bilang parehong potensyal na kalaban at kakampi,walang paninindigan sa mga ideolohiya, mismong gumagawa ng turncoatism, nais manatili sa kapangyarihan at miyembro ng isang politikal na dinastiya.

Mga dahilan ng pananatili ng multi-party system

Kung marami na ang naging puna at batikos mula sa mga eksperto o maging simpleng mamamayan, may mga mas simpleng dahilan kung hindi pa rin ito binabago o tinatanggal. Una, ang 1987 na Konstitusyon ay hindi pa rin napapalitan (Charter Change). Pangalawa, masyado nang pamilyar at kabit sa pamumuhay ng tao ang palakasan system para maisipan pang baguhin(kahit napaka-posible).Pangatlo, ang mga politikal na dinastiya,tradisyunal na politiko (trapo), mga elitista at kahit ang mga mababang opisyales na nakikinabang sa baluktot na sistema ay sila pa rin ang nasa kapangyarihan.

Kung nais natin ng tunay na pagbabago, dapat ay maging mulat, maalam sa kasaysayan, magkaroon ng sariling prinsipyo at ipinaglaban. Hindi na dapat natin makita ang sarili bilang alipin lalo tuwing eleksyon dahil ito ang ating kapangyarihan.Huwag nating ipagbili ang boto dahil hindi matutumbasan ng anumang halaga ng pera ang bigat ng desisyon na ipinagkakaloob ng isang halalan, nakasalalay ang kinabukasan mo, buong bayan at susunod na henerasyon.

Ngayon,narito ang mga altenatibong solusyon naihain ng mga eksperto patungkol sa multi-party system: Political Party Development Act, joint tickets,tanggalin ang seat limit na nakasaad sa batas,itaas sa 3 hanggang 5 porsyento ang minimum threshold mula sa dalawang porsyento,closed list proportional representation at zipper system.Isa sa mga sinasabing nasayang na pagkakataon ng mga eksperto ay ang mismong pagtatag ng multi-party ng administrasyon ni dating Pangulo Cory Aquino. Maari sana niyang baguhin ang sistema patungo sa ibang direksyon kung nagsimula sa pagtatalaga ng mga opisyales hanggang lokal na pamahalaan at ginamit ang kanyang personalidad o impluwensya upang magsimula ng mas matibay na partidong  mamamahala sa bansa ngunit tulad ng aking isinalaysay ang multi-party system ay bunga ng batas militar na umiral noong administrasyon ni Marcos. Ang ideya ng pagbibigay-boses sa mga napabayaang sektor ng lipunan ay hindi naging matagumpay dahil hindi nito nakita ang tunay na mga malalaking problema sa sistema tulad ng palakasan system,turncoatism at paghawak ng kapangyarihan ng mga iilang elitista.

Mga alternatibong reporma at solusyon

Ang unang solusyon sa baluktot na sistema ng ating electoral system ay ang Political Party Development Act:pagbibigay parusa sa turncoatism,pagbibigay ng karagdagang kapangyarihan sa COMELEC at Commission on Audit upang mapanatili ang pagkakapantay-pantay at transparent na pagbibigayan ng pondo sa kampanya at panghuli ay ang State Subsidy na maaring gamitin sa mga nakalatag na mga plataporma at programa kung maging kwalipikado. Ang ideya ng mas transparent na pondo ay upang maiwasan ang korapsyon, matukoy kung nagiging patronage na at hindi magkaroon ng utang na loob o kahit mismong pera mula sa iligal na aktibidad.Inaasahan naman na ang pagkakaroon ng State Fund at ang paglalagay ng maraming kwalipikasyon para dito ang magiging sagot upang patuloy na magkaroon ng mga programa at aktibidad ang isang partido kahit tapos na ang halalan. Ang mga kwalipikasyon ang siya magtutulak sa mga partido upang magkaroon ng mga disiplina ang mga kasapi, bumuo ng orihinal, kapaki-pakinabang at maisasakatapuran na mga pangako.

Ang mga sumusunod ay mas simple ang hinihinging pagbabago tulad ng joint ticket na nangangahulugang ang pagboto para sa pangulo,gobernador o mayor ay awtomatikong pagboto na rin sa kanilang ka-alyadong mga bise. Ito ay upang magkaroon ng political stability at inaasahan din na mas mabilas ang mga pagsasagawa ng mga batas o programa kung “mag-kakampi” ang nakaupo, hindi puro pagkontra/pagbatikos ang magaganap sa pamahalaan.Ang pagtanggal naman sa seat limit ay para sa mas simple at lohikal na pagboto sa mga partido at maiwasan ang pagkakaroon ng intra-party “blocs” o mga partido na naghati-hati sa ilalim ng iba’t-ibang bansag upang lumusot, hindi maging limitado sa tatlo. Sa ganitong paraan, bukod sa mawawala ang mga party list “blocs” ay mawawala rin ang mga splinter party groups na kadalasan ay wala namang mga matitibay na plataporma o organisasyon sa mismong partido.Ipinagpapalagay na mas magiging makatarungan ito dahil ang mga partido na may mas mataas na boto ay mga partidong may tunay na interaksyon sa tao.Ito rin ang dahilan sa likod ng suhestiyon na itaas ang porsyento o threshold mula sa dalawang porsyento ay dapat maging tatlo hanggang limang porsyento sa total na bilang ng buong bansa. Ang paghahalo ng closed list proportional representation at zipper system ang reporma na hinahain upang gawing “inclusive” at magbigay ng oportunidad sa mga kababaihan na kumatawan sa House of Representatives. Ang “closed list” na tinutukoy ay ang bilang at nakaranggong mga pangalan ng mga tumatakbo sa balota bawat partido. Habang ang zipper system ang pagsalit-salit ng babae at lalaking kandidato sa nasabing listahan. Sa ganitong paraan ay makikilala ng mga botante ang kumakatawan sa kanila at magkakaroon ng motibasyon ang mismong mga partido na pumili ng mga kandidatong (parehong babae at lalaki) may mas maayos na reputasyon at kakayahan.

Written by Xian Arnel G. Pineda, a fellow of DAKILA-Active Vista’s 2022 Heroes Hub Youth Fellowship.

This piece is part of a series of articles by youth leaders of Heroes Hub Youth FellowshipIt seeks to advocate for the youth’s vision and concerns towards a rights-based governance agenda in the May 2022 elections and beyond.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.