TAMA BEHAVIOR: Mga Tips para Hindi Mabudol Tuwing Eleksyon

Contributor

TAMA BEHAVIOR: Mga Tips para Hindi Mabudol Tuwing Eleksyon

Taon na naman ng eleksyon at panahon na naman ng kampanya. Isang napakalaking obligasyon na naman ang ia-atang sa ating mga simpleng mamamayan para magtalaga ng bagong uupo sa pamahalaan. Dahil dito, nagkakaroon ng hating pananaw, nagkakanya-kanya ng opinyon, nagtatalo talo kung sino nga ba ang karapat dapat. Pero hindi ba dapat ang panahon na ito ang nagbubuklod sa atin? Ito dapat ang nagiging daan para buksan ang tulay tungo sa tunay na pagkakaisa. 

Marahil ito ang unang beses na boboto ang iba, marahil din, sanay na ang iba sa ganitong sistema. Pero kung tayo ay nasa laylayan pa rin, hindi kaya nabudol na tayo? Tigil muna natin ang bashing sa Facebook at pag nilay-nilayan kung sino nga ba ang mali: ang bomoboto o ang binoboto? Paano nga ba maging matalinong mamamayan sa panahon na ang opinions ang tama at facts ang mali? Kung badtrip ka na sa sistema na kinalakihan pa ng mga lolo at lola natin, basahin mo muna itong mga tips para hindi mabudol tuwing eleksyon at baka makatulong sa pagpili mo ng kandidato. Baka lang naman. 

● Una, ‘tigil na natin ang pagsasabi ng “Respect my opinion!” Dapat ay maging bukas ang ating kaisipan na tanggapin ang pananaw ng bawat isa, lalo na kung ang intensyon ay mabigyan tayo ng kalinawan ukol sa mga tumatakbo. Kapag na fact-check—deserve, char!—maari nating suriin ang mga argumento at kung napatunayang may mali, dapat itong itama. Hindi kabawasan sa pagkatao natin kung aaminin nating nagkamali tayo, kesa naman alam na na may mali, pinagtatakpan at pinaniniwalaan pa rin natin. Sa susunod, maging mapanuri dahil kung sino man ang mananalo, lahat tayo ay apektado. Magsaliksik, dahil ang pagpili ay dapat nakabase sa katotohanan.

●  Matutong kilatisin ang bawat tatakbo at ang kanilang plataporma; dahil libre lang naman itong makikita sa favorite nating tambayan—ang social media. Pero kung hindi natin mahanap ang kanilang mga isinusulong, marapat lang na magdalawang isip na. Ang kanilang mga plataporma ang magsisilbing dahilan kung bakit sila tatakbo at hindi lang dahil meron silang personal agenda. Alamin ang kanilang mga ipapangako para meron tayong sisingilin kung hindi man nila ito matupad. Pero kung papangakuan tayo ng langit, bituin, at kalawakan, red flag yan, dahil ang effective na lider ay alam ang kanyang kayang gawin at hanggangan. 

● Hindi dapat ginagawang dahilan ang kulay para ihalal ang isang kandidato. Bagaman may may mga tinatawag tayong dilawan, pula, green, pink, pinklawan, pinkish-white, blue, rainbow, at ibang kulay sa color wheel, tingnan natin ang mga kandidato sa monochrome na perspektibo. Dahit kahit sino naman sa kanila ang manalo, kulay pa rin ng watawat ng Pilipinas ang kanilang ikakatawan. Dapat ay pumili nang naaayon sa kakayahan at paninindigan. 

● Speaking of kakayahan, ang eleksyon ay hindi talent show. Marami diyan, sasayaw sa saliw ng “Dying Inside”, kakanta ng “Wonderful Tonight”, lalangoy sa dagat ng basura, magiging traffic enforcer, yung iba tahimik lang, magiging vlogger na cooking show ang content, instant Tiktokerist with Paru-paro G performance, ang mayaman magiging

mahirap at magsasalaysay ng kanilang talambuhay. Ang iba naman, ginawa nang talent ang pag-iwas sa debate. Pero hindi ito ang basehan, at lalong hindi ito ang magiging dahilan ng pag asenso ng bansa. Kung tutuusin, dapat ang pinagtutuunan natin ng pansin ay ang kanilang mga nagawa na o magagawa pa lang; ang kanilang prinsipyo na tumutugma sa moralidad ng bawat Pilipino, at ang kanilang academic background. Bagaman kahit sino ay pwedeng kumandidado, nakatapos man ng pag-aaral o hindi, kailangan pa rin itong ilantad at aminin for honesty and transparency. Isama mo na rin ang kanilang track record, hindi track record ng magulang, pamilya, kapartido, kapit-bahay, o Facebook friend. 

● Pumili ng kandidatong makatao, hindi pakitang tao, hindi feeling santo, at lalong hindi ghost—yung tipong sa umpisa lang sweet, full of promises, pero pag nakuha na ang gusto, maglalahong parang multo. Maraming magsusulputang manok at mangangako kada eleksiyon, pero hindi natin mahagilap tuwing may krisis, bagyo, sunog, lindol, pagputok ng bulkan, pandemya, hearing, zoom meeting, at tikom ang bibig sa extra judicial killing. Kaya marapat lang pumili tayo ng manok na laging nandyan at kaya tayong ipaglaban, hindi yung ginagawa tayong tukaan, wag din ‘yong pang 45 days lang. Tama lang siguro na hanapin natin sila sa mga ganitong panahon, dahil dito natin sila mas kailangan. 

● Maging Pilipino, huwag panatiko. 

● Wag bumoto ng magnanakaw, sinungaling, corrupt, binabalewala ang human rights, tingin sa atin ay mangmang, binabali ang prinsipyo para sa pwesto, at banned sa ibang bansa dahil may kaso. At syempre hindi dapat tayo bomoto ng isang kandidato dahil lang sabi ng iyong lolo, o kaya dahil sa pangalan lang. Hindi rin sapat na dahilan ang “Anak ni ganito” o “Asawa ni ganyan.” Wag nating hayaan na ito ang sumalamin sa’ting  pagkatao. Kung ganito na ang kanilang katangian, isyung hinaharap, at way of living habang tumatakbo, paano pa kung nasa kapangyarihan na sila? Lahat naman ng kandidato ay kayang maging mabait, hindi naninira, may pangarap sa bayan, at gustong tumulong. Pero, kung kredibilidad at moralidad na ang paguusapan, hindi lahat ay kayang mamuno ng epektibo at marangal. 

● Tumindig kung gusto natin ng pagbabago. Kung ang ihahalal natin ay may paninindigan, dapat tayo rin. Wag natin i-normalize ang shitty lifestyle na kung saan pipiliin lang kung sino sa tingin natin ang iboboto ng marami para may bragging rights tayo kapag nanalo ito; o ‘di kaya iisipin natin na lahat ay korap kaya pipiliin na lang ay kung sino ang lesser evil. Wag sana natin gawing motivation ang ideya na kahit sino naman ang manalo, hindi naman tayo aasenso. Totoo na malaking factor talaga na dapat tayong kumilos para sa pansariling pag-unlad, pero hindi nito maaalis ang katotohanang may kinalaman ang gobyerno sa kung anong estado ng pinamamahalaan nito. Kaya maghalal tayo ng may kakayahang mapabuti ang sistema na tutulong sa pag-angat ng bawat isa. 

● Dapat ay may tama behavior: marunong kumilatis, hindi naniniwala sa spliced videos na ang intensiyon ay manira ng tao, nagpa fact-check, inuunawa ang bawat plataporma, nagbabasa, at hindi ginagawang raket ang pagpunta sa mga grand rally para makakuha ng pera. Ang sarap sigurong isipin kung lahat tayo ay may prinsipyo, it’s very New York. Wag sana natin ipagpalit ang anim na taon sa limang daang piso. Tama behavior ding maituturing kung ang ihahalal ay kwalipikado, nakikinig, at maglilingkod sa bayan, hindi ang kabaliktaran. Magtulungan tayo, hindi sapat na iilan lang ang nakakaintindi, dapat lahat ay may pang-unawa na magu-ugnay sa’tin patungo sa inaasam na pagbabago. 

Napakabigat na responsibilidad ang pagboto, dapat talagang maglaan ng oras para makilala ang mga susunod na mamumuno,  kaya minsan, may mga ayaw magsalita at nais na lang manahimik dahil ayaw sa mga bagay na kumplekado. Pero sa mga ganitong pagkakataon, kailangan nating manindigan. Ang pagpili ng lider ay hindi lang isang pribilehiyo at karapatan, isa rin itong kakayanan na dapat hubugin. Kaya legit na merong mga mangmang sa pagboto na kinakailangan turuan; voters’ education kumbaga. Dahil ang tunay na pagbabago ng isang bansa ay hindi lang nakasalalay sa iilan, it’s a collective effort.

Hindi pa huli ang lahat. Buksan ang ating isipan, lawakan ang ating pang-unawa. Dahil hindi ito paramihan ng suporta sa isang grupo at laban ng mga kandidato. Ito ay laban nating bawat Pilipino.

Written by Grey Molina, a fellow of DAKILA-Active Vista’s 2022 Heroes Hub Youth Fellowship.

This piece is part of a series of articles by youth leaders of Heroes Hub Youth Fellowship. It seeks to advocate for the youth’s vision and concerns towards a rights-based governance agenda in the May 2022 elections and beyond.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Download the Rappler App!