Movement

[OPEN LETTER] Ilang Paaanya sa mga Katuwang sa Laban para sa Karapatang Pantao

Contributor

[OPEN LETTER] Ilang Paaanya sa mga Katuwang sa Laban para sa Karapatang Pantao
This open letter was first published on the celebration of the 2021 International Human Rights Day.

This open letter was first published on the celebration of the 2021 International Human Rights Day. In lieu of its annual statement, DAKILA has decided to reach out to fellow human rights defenders instead.


Sa mga kaibigan at kasama sa pakikibaka,

Lagi nating tanong sa isa’t isa, “So,  paano na nga ba?” “Paano tayo kikilos?” Ito ay mga tanong sa harap ng sabay-sabay na atake sa ating mga sarili, komunidad, at bayan. Ngayong araw, Inaanyayahan natin ang isa’t isa na silipin ang nakagawiang pananaw at gawain tungo sa pakikibakang mapanghamig at paglabang kasama ang lahat, lalo na ang kapwa na ating pinaglilingkuran. 

Paanyayang lumabas sa echo-chambers

Sa pagpapalaki ng ating hanay at pag-oorganisa, nawa’y maging matapang tayo sa pagpasok sa mga bagong espasyo ng pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Makisalamuha tayo sa labas ng ating kinasanayang kasama, labas sa nakasanayang paniniwala, at labas sa nakasanayang ginhawa. Mula dito, paunlarin natin ang ating pakikipagkapwa — sa lansangan, palengke, simbahan, at iba pang mga komunidad.

Paanyayang magturo at mag-aral nang nakatuntong sa danas ng kapwa

Sa pag-aaral at paghahatid ng human rights education, nawa’y lumabas at maging matapang tayo sa pagkatuto mula sa tunay na danas ng ating kapwa.  Ang pagbabago ng pananaw sa mga issue ng lipunan ay hindi lang nakakakulong sa mga teorya, webinars, at talakayan sa loob lang ng ating mga grupo. Matuto tayo sa mga nakatagong eksperto ng araling panlipunan — ang mga nakakaranas ng gutom at diskriminasyon, ang mga pinauulanan ng bala, at ang mga nabubuhay sa laylayan. 

Paanyayang magpahayag at makipag-usap nang tagos sa kaluluwa

Sa pagpapaabot ng impormasyon at pagpapadaloy ng talakayan, nawa’y yakapin natin ang mga lenggwahe at mga daluyang tumatagos sa ating kapwa. Bumuo tayo at magpaunlad ng mga porma at plataporma ng pakikilahok at pagpapahayag ng ating kapwa, gamit ang sarili nilang boses para palakasin ang mga sarili nilang panawagan.

Paanyayang mangampanya nang malapit sa sikmura

Sa pangangampanya tungo sa iba’t ibang pagbabagong lipunan, nawa’y maalala natin na ang pagbabago ay dapat nakasentro ating kapwa — tungo sa kanilang piniling prayoridad at pangangailangan at labas sa sarili nating mithiin. Kumilos tayo nang nakatungtong sa mga bagay na hindi lang bago pero tunay na mapagbago at kapakipakinabang sa buhay, kabuhayan, at pamumuhay.

Paanyaya sa makabago at malikhaing pagpalag

Sa pagpapakita ng galit at malasakit, tapang at pagmamahal, nawa’y yakapin natin ang tawag ng panahon. Magpatuloy tayong sumabay sa patuloy na pagbabago ng mundo at ng ginagalawan nating konteksto. ‘Wag tayong tumigil na paunlarin ang ating mga gawain na nagsusulong ng ating adbokasiya.

Paanyang sumayaw sa awit ng pag-asa

Sa huli, ang ating paglaban ay ang patuloy ding paghahanap at pagtatanim ng pag-asa sa kabila ng mga hirap na ating  kinakaharap. Gamitin ang galit para itama ang mali. Ipagdiwang ang mga kapirasong tagumpay. Lahat ng ito ay gawin natin kaakibat  ang paniniwala na ang sama-sama nating pagkilos ay mga hakbang tungo sa lipunan na malaya, makatao, maginhawa, at makatarungan.

Para sa mapagpalayang uri ng pagpapalaya at makataong pagsusulong ng karapatang pantao.

Nagmamahal,
DAKILA


Dakila – Philippine Collective for Modern Heroism is a group of passionate individuals – artists, educators, students, building a movement towards social transformation rooted in human rights and democracy. Let’s build a nation of heroes. Join us.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.